Magkakasa muli ng panibagong nationwide transport strike ang mga transport group na PISTON at MANIBELA sa loob ng dalawang araw simula Abril 15, 2024.
Ito ang inanunsyo ng naturang mga grupo ngayong araw sa gitna pa rin ng napipintong pagtatapos ng itinakdang deadline Para sa consolidation ng public utility vehicle ng pamahalaan.
Sa isang pahayag ay muling nanindigan si PISTON national president Mody Floranda sa kanilang posisyon hinggil sa nasabing isyu na bahagi aniya ng isinusulong na PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Dito ay muling nilinaw niya na ang tanging ang franchising consolidation ang kanilang tinutuligsa at hindi ang isyu modernisasyon.
Sa naturang pahayag ay kaniya muling iginiit ang kanilang posisyon na rehabilitasyon at hindi total phase out sa mga traditional jeepney sa ilalim ng pagpapatupad ng modernization program.
Kung maaalala, una nang iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na magkakaroon pa ng dagdag na extension ang itinakdang April 30 deadline ng pamahalaan para sa consolidation ng mga individual PUV franchises sa mga kooperatba korporasyon.