CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng mga katutubong Agta at Kalinga sa San Mariano, Isabela ang ginagawang pag-recruit ng New People’s Army (NPA) sa kanila.
Ayon kay Bong Soriano ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Isabela, kabilang ito sa mga inilatag na problema ng mga katutubo sa kauna-unahang Indigenous People Youth Summit na inorganisa ng 95th Infantry Battalion sa kampo ng 5th Infantry Division Phil. Army sa Gamu, Isabela.
Aniya, sa pamamagitan ng pagtitipon na ito ay maiiwas ang mga kabataang katutubo na umanib sa mga makakaliwang grupo.
Sinabi ni Soriano na makakatulong ang isinagawang IP youth summit sa mga kabataang katutubo na nagsimula noong araw ng Biyernes na nagtapos kahapon, araw ng Linggo.
Samantala sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sgt. Liway Asuncion ng 502nd Infantry Brigade, Phil. Army, sinabi niya na kabuuang 89 na mga katutubo ang nakilahok sa kanilang youth leadership summit.
Layunin nitong mabigyan ng lectures at mahahalagang impormasyon ang mga katutubong kabataan upang makaiwas sa panlilinlang at panghihikayat ng makakaliwang grupo.