-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Binalaan ng konsehal ng Malay, Aklan ang mga driver ng tricycle sa isla ng Boracay na sangkot sa overcharging ng pamasaheng sinisingil sa mga pasahero lalo na sa mga dayuhang turista.

Ito ay kasunod sa natanggap na reklamo ni Sangguniang Bayan member Maylynn “Neneth” Aguirre-Graf sa isang grupo ng dayuhan na siningil umano ng P1,500 ng isang driver mula sa isang waiting area sa Brgy. Balabag papunta sa inuupang hotel.

Aminado si Graf na matagal nang problema sa isla ang mga abusadong driver.

Dahil dito, ipinapanukala niya na magkaroon ng for hire o on call na sasakyan na may aprubadong taripa upang maiwasan na ang overcharging.

Mahigpit na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ng Malay ang Municipal Traffic Code at Driver’s Accreditation Code na may kaukulang multa, subalit patuloy na nilalabag ng mga motorista.