KALIBO, Aklan— Tiniyak ng Malay Tourism Office na walang dapat na ipangamba ang publiko sa nalambat kamakailan lamang na buwaya sa baybayin ng isla ng Boracay kasunod sa ipinalabas na opisyal na pahayag ng Department of Tourism (DoT) Region 6.
Ayon kay Kathrine Licerio, public information officer ng Malay Tourism Office na laging may nakabantay sa baybayin ng isla upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao at ang nalambat na saltwater crocodile ay maituring na isolated incident lamang o rare occurrence sa lugar.
Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na may napadpad na buwaya sa baybayin ng isla.
Nananatiling ligtas na destinasyon ang Boracay sa mga turista.
Pinaniniwalaan na ang saltwater crocodile ay mula sa katabing mga probinsiya na kilalang nag-aalaga ng mga buwaya at posibleng inanod dulot ng malakas na alon dala ng nakaraang Bagyong Carina at Habagat.
Sa kasalukuyan ay nananatili sa Community Environment and Natural Resources Office sa bayan ng Malay ang buwaya at nasa maayos na kondisyon.