KALIBO, Aklan—Inalerto ng Malay Tourism Office ang publiko sa kumakalat ngayon na pekeng travel agency na nag-aalok ng mga nakakahumaling na travel package sa murang halaga papunta sa isla ng Boracay.
Ayon kay Malay tourism officer chief Felix Delos Santos na ilang mga turista ang na-scam ang nagpatulong sa kanilang tanggapan kung saan, nakapagbigay ang mga ito ng full-payment at down payment na umaabot sa P200,000 pesos, P100,000 pesos at P50,000 pesos.
Nang ipinasuri nila sa Department of Tourism ay bogus o hindi accredited ang mga ito at sa pag-trace ay hindi rin makita ang kanilang address sa bayan ng Malay at isla ng Boracay.
Para sa kaalaman ng publiko, pinangalanan ni Delos Santos ang mga peke na travel agency na kinabibilangan ng BOD travel and tours o package tours online; travel zone Philippines; biyahero travel and tours at Hanna travel and tours.
Kaugnay nito, dismayado si Delos Santos dahil sinisira ng mga pekeng tour operators ang imahe ng Boracay kung saan, hindi nila kokonsintihin ang mga gaya nitong online travel agency.
Nakakalungkot aniya na maraming turista ang na-scam na nagplano ng halos ilang buwan para sa kanilang bakasyon ngunit kalaunan ay mabuko na niloko lang pala sila.
Ilan sa mga ito ay hindi nakasakay ng eroplano habang ang iba naman ay nadiskubrehan na walang akomodasyon pagdating sa Caticlan Jetty port.