-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Hindi mahulugang karayom ang bilang ng mga bumuhos na bakasyonista sa Isla ng Boracay ngayong Semana Santa.

Simula Huwebes Santo ay walang patid ang pagdating ng mga turista na nagtuloy-tuloy noong Biyernes Santo hanggang Sabado de Gloria na halos pami-pamilya at magbarkada ang dumating para sa mahabang bakasyon.

Maraming turista ang nag-enjoy sa magandang puting buhangin ng Boracay noong Huwebes Santo bago ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Malay ang mga kasiyahan noong Biyernes Santo bilang bahagi ng taimtim na paggunita ng Semana Santa.

Maliban sa mga misa sa simbahan, agaw atensyon rin ang taunang prusisyon sa white beach noong Biyernes Santo na bahagi na ng tradisyon sa Boracay tuwing Kuwaresma.

Kaugnay nito, sinabi ni Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office na inaasahan na nila ang pagtaas ng tourist arrivals ngayong Holy Week dahil sa mga hotel booking.

Ngayong Easter Sunday ay tuloy-tuloy ang mga programa sa isla na inihanda ng mga hotels and resorts at iba pang estbablishimento.

Samantala, tuloy pa rin ang mga aktibidad sa isla para sa Laboracay 2025 na tinawag na “Sandbox 2025” na nagsimula noong Abril 15 at magtatagal hanggang Mayo 4.

Ito ay summer festival na kilala sa makulay nitong beach parties ag music events.

Tampok dito ang mahigit na 25 world-class na talento, performances, at island vibes.

Isa pang kaganapan na tinatawag na La Boracay Summer Fitness Festival 2.0 ay magaganap din sa Boracay mula Mayo 1 hanggang 3, 2025 na nag-aalok ng fitness, kasiyahan, at tropical vibes.