-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kumpiyansa si Malay Mayor Frolibar Bautista na muling bubuhos ang mga turista mula sa National Capital Region (NCR) at katabing mga lalawigan pagkatapos na mabawi ang enhanced community quarantine sa naturang mga lugar.

Maliban aniya na sabik bumiyahe at magbakasyon, itutuloy ng ilang turista ang kanilang pina-re-book na pagbisita sa isla.

Samantala, sa bagong ipinalabas na Executive Order no. 14 series of 2021 ng alkalde, lalong hinigpitan nito ang pagpapatupad ng health and safety protocols sa Boracay.

Isa sa mga nakikitang dahilan nito ng mabilis na pagkalat ng virus ay ang pagiging kampante ng mga tao na mistulang hindi na natatakot sa virus.

Bawal muna sa isla ang mga mass at non-essential gatherings kagaya ng contact sports.

Aniya, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa itinuturing na “superspreader” na party na isinagawa sa isang bar dahilan ng biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Boracay.

Sinabi pa nito na sa buwan ng Marso ay may kabuuang 97 kumpirmadong kaso ng deadly virus sa kanilang bayan malayo sa datos noong buwan ng Pebrero na wala pang sampu.