-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Joint Task Force-COVID Shield na bawal pa rin ang pagdayo ng mga turista sa Metro Manila sa ibang mga lugar.

Ayon kay task force commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, isang paglabag sa quarantine protocols ang ginawang pamamasyal ng ilan sa ating mga kababayan sa lungsod ng Tagaytay.

Paliwanag ni Eleazar, kailangan pa ring kumuha ng travel pass ng mga residente ng NCR na balak magtungo sa Tagaytay.

Giit pa ng heneral, binuksan lamang ng Tagaytay City ang kanilang siyudad sa mga turista na manggagaling sa ibang bahagi ng Cavite.

“Ngayon po ‘yung sinasabi sa Tagaytay, while it is true na ang Tagaytay dineclare ng LGU (local government unit) nila na hindi na kailangan ang travel pass pagpasok doon, ‘yun po ‘yung manggagaling within Cavite,” wika ni Eleazar.

“So ‘yung galing sa Metro Manila, pupunta ng Cavite, dapat po may reason kayo sa pagpunta doon. Kung hindi, dapat kukuha pa rin kayo ng travel authority,” dagdag nito.

Ang Metro Manila sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) habang ang Cavite ay nasa ilalim naman ng modified GCQ.