-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Ipinagbabawal sa isla ng Boracay ang anumang aktibidad o events na lumilikha ng ingay simula alas-6:00 ng umaga ng Biyernes Santo, Abril 7 hanggang alas-6:00 din ng umaga ng Black Saturday, Abril 8.

Ayon kay Dennis T. Briones OIC – Business Permits and Licensing Office it LGU-Malay, ito ay upang bigyan ng pagkakataon ang mga residente, bisita, turista at bakasyunista na makapagnilay-nilay sa mga naging pasakit at kamatayan ni HesuKristo.

Ang nasabing kautusan ay batay sa Sangguniang Bayan Resolution No. 015, series of 2009 at kasunod nito ang Memorandum Order No. 2023-043 kung saan, hindi magbibigay ang LGU Malay ng special permit para sa mga party sa Boracay sa Byernes Santo.

Dagdag pa ni Briones na maraming taon na itong ipinapatupad ng LGU bilang pag-obserba at pakikibahagi sa paggunita ng Semana Santa kung saan, pinapahalagahan ang pag-alay ni Hesukristo sa kaniyang sarili upang mailigtas tayo sa makamundong kasalanan.

Nabatid na halos lahat ay mas minabuting sa isla ng Boracay gunitain ang Holy Week dahil sa mainit na panahon gayundin sa mahabang bakasyon na walang pasok sa opisina ang lahat ng ahensya ng gobyerno at maging wala ring pasok ang mga estudyante sa pribado at pampublikong paaralan.