-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Positibo ang naging pagtanggap ng mga turista sa pagtanggal ng hotel vouchers requirement para makapasok sa Isla ng Boracay.

Ito ay batay sa nilagdaang Executive order 097 ni Governor Jose Enrique Miraflores na may petsang Nobyembre 15, 2023.

Sa isinagawang 2nd Boracay-Caticlan Sustainable Development Council Meeting, napagkasunduan ng Aklan provincial government at mga stakeholders na luwagan na ang mga restrictions upang lalo pang makahikayat ng mga turistang magbabakasyon sa isla lalo na ang mga dayuhan.

Inorganisa ang nasabing pulong kasunod ng mga reklamong natatanggap mula sa mga bisita dahil sa dami umano ng mga hinihinging requirements. Napag-usapan din ang pagbaba ng bilang ng mga pumapasok na foreign tourists sa Boracay.

Nabatid na ipinatupad ang nasabing mga restrictions noong panahon ng COVID-19 pandemic.

Samantala, sinabi ni Kathrine Licerio, assistant public information officer ng Malay Tourism Office na abot-kamay na nila ang bagong projected tourist arrivals na dalawang milyon sa pagtatapos ng 2023.

Noong Nobyembre 8 ay naabot na nila ang target na 1.8 million tourists para sa Boracay.

Mula Enero hanggang Nobyembre 26, nakapagtala na ng 1,921,130 na turista.

Sa kabilang daku, pinayagan na rin ngayon ang paglalagay ng mga beach beds at payong sa front beach, pinalawig ang oras para sa night swimming ng hanggang alas-9:00 ng gabi , sinuspinde ang P20,000 fee para sa foreign tour guides at pinaplantsa pa ang pagkakaroon ng unified ticket sa jetty port.