-- Advertisements --

VIGAN CITY – Kaniya-kaniya na umanong diskarte ang mga turista sa Thailand para hindi mahawaan ng novel coronavirus.

Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Mary Ruth Ong na mula sa lalawigan ng Abra ngunit kasalukuyang namamasyal ngayon sa mga bansa sa Southeast Asia, plano umano nitong magtungo sa mga tourist destinations sa Thailand na hindi gaanong dinarayo.

Ito ay upang masigurong walang masyadong tao sa mga pupuntahan nito at hindi ito mahawaan ng nasabing virus lalo pa’t mayroon na ring naitalang kaso ng NCov sa Thailand.

Galing na umano si Ong sa Vietnam at Cambodia na kapuwa nakapagtala na ng kaso ng nasabing virus ngunit wala naman umano itong napansing kakaiba sa galaw ng mga tao roon at maging ng kani-kanilang gobiyerno maliban na lamang sa maraming naka-face mask sa mga nasabing bansa.

Aniya, wala rin umanong advisory sa kanilang mga turista na huwag nang ituloy ang kanilang planong pagbisita sa Thailand maliban na lamang sa paalala na siguruhing malinis ang mga kinakain at ugaliing maghugas ng kamay, gayundin ang pagsusuot ng facemask.