-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Sinalubong ng Ati-Atihan festival tribe ang nasa 1,500 na mga turista na bumaba mula sa 2,700 na sakay ng MS Westerdam, isang vista-class cruise ship na pagmamay-ari ng Holland America Lines na dumaong sa isla ng Boracay.

Kaugnay nito, ilan pang international cruise ships ang inaasahang dadaong sa world-famous na Boracay hanggang sa matapos ang kasalukuyang taon.

Nauna nang inilabas ng Department of Tourism-Region 6 ang listahan ng mga nasabing barko kung saan, isa rito ang MS Westerdam.

Maalalang unang dumaong sa tanyag na isla matapos ang pandemya dulot ng covid-19 ang MS Seabourne Encore dala ang nasa 371 na mga turista noong Pebrero 13.

Sumunod ang MS Nautica noong Marso 6 ngunit hindi nakababa ang mga pasahero dahil sa masungit na panahon at may kalakasan ang alon kung kaya’t kaagad din silang umalis.

Samantala, muling babalik sa Boracay ang MV Norwegian Jewel sa Nobyembre 29 at Disyembre 1 na nauna nang bumisita noong Nobyembre 3.

Ang mga turista ay binigyan ng walong oras upang ma-explore o malibot ang white-sand beach, Puka Beach, souvenir shops, at mga restaurants.