-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kasunod ng ipinatupad na community quarantine sa buong Aklan epektibo ngayong March 16, ipinag-utos na rin ni Governor Florencio Miraflores na ang lahat ng mga biyaherong dayuhan o residente ng Aklan na nakabiyahe sa mga infected area o nagkaroon ng contact sa mga may kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ay mag-home quarantine o manatili sa kanilang mga hotel sa loob ng 14 na araw.

Ang paglilinaw ng gobernador ay matapos magdatingan ng mga turistang Koreano kahapon ng umaga sakay ng direct flight mula sa Incheon, South Korea.

Pagdating aniya ng mga turtista sa Caticlan jetty port ay agad na pinakiusapan ang mga ito ni acting Malay Mayor Frolibar Bautista na huwag na munang ituloy ang bakasyon sa Boracay.

Maaari kasi na ituring sila bilang persons under monitoring.

Sa ilalim ng ipinalabas na Executive Order No. 19 ni Governor Miraflores, bawal muna ang sea at air travel papasok at palabas ng Aklan, gayundin ang pagpapatupad ng community quarantine at social distancing upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng COVID-19.

Magtatagal ang community quarantine sa loob ng isang buwan.