LEGAZPI CITY — Posibleng sampahan ng kaukulang kaso ang ilang turistang umakyat sa summit ng Bulkang Mayon na walang pahintulot mula sa lokal na pamahalaan ng Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Tourism, Culture and the Arts Office head Dorothy Colle, hindi mga Albayano ang naturang grupo kaya sa pamamagitan ng social media lamang sila nagkakaroon ng komunikasyon.
Ayon sa opisyal, hawak na ng ahensya ang ilang mga patunay ng pag-akyat ng mga ito sa Mayon at posibleng gamitin ito bilang bahagi ng ebidensya sakaling magkaroon ng legal action ang tanggapan.
Iginiit pa ni Colle na sa ilalim ng Provincial Ordinance No. 0023-2016, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-akyat sa summit ng bulkan lalo pa at nananatili ito sa Alert Level 2 status.
Ang sinumang mapapatunayan na lumabag sa batas ay mahaharap sa penalidad na hindi bababa sa P5,000 at maaaring makulong ng hindi hihigit sa isang taon.
Sa hiwalay na panayam kay Albay Public Safety and Emergency Management Office head Dr. Cedric Daep, nakarating aniya sa kanilang tanggapan na inabutan pa ng magnitude 6.5 na lindol kahapon ang mga turista.