LA UNION – Hinihiling ni retired General Tomas Dumpit, kandidato sa pagkakongresista, sa pamunuan ng Commission on Election (COMELEC) na bawiin at palitan ang mga kumalat na voters information sheet sa Ikalawang Distrito ng lalawigan ng La Union.
Sa liham ni retired General Dumpit kay COMELEC Chairman Shariff Abas, iginiit nito na mali ang nilalaman ng VIS dahil napasama sa listahan ng mga kandidato sa pagka-kongresista ng naturang distrito ang pangalan ni La Union 1st District Representative Pablo Ortega.
Sa kumalat na VIS ay naging number 3 ang Dumpit, Tomas sa halip na number 2 sa official ballot.
Napasama kasi sa VIS ang Ortega, Pablo bilang number 1.
Hiniling din ni retired General Dumpit na paimbestigahan ang pagkalat ng VIS na maaring magdulot ng kalituhan sa mga botante at pananabotahe sa halalan.
Nadiskobre umano ang mga coordinator ng dating heneral ang mga nasabing VIS na nagkalat sa bayan ng Bauang, La Union.
Samantala, mababasa rin sa naturang VIS na napahalo rin ang mga pangalan ng kandidato sa pagka-provincial board member ng Unang Distrito ng La Union.