BAGUIO CITY – Problema ngayon ng Philippine Overseas Labor Office sa Switzerland ang mga hindi dokumentadong overseas Filipino workers (OFW) na lubos na apektado dahil sa umiiral na community quarantine doon dahil din sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Atty. Cheryl Daytec-Yagot, labor attaché ng Pilipinas para sa mga bansang Switzerland, Poland, Czech Republic, at Liechtenstein State na maraming mga undocumented OFWs sa Switzerland ang nagtatanong sa kanilang opisina sa tulong na maaaring ibibigay sa mga ito ng pamahalaan ng Pilipinas.
Aniya, may pondong $200 nailaan para sa mga nasabing OFWs bagama’t hinihintay pa nila ang alituntunin kung paano ito maipapamahagi sa mga nangangailangang Pinoy workers.
Wala aniyang problema sa mga Pinoy na permanent residents at nagtatrabaho ngayon sa Switzerland kasama na ang mga documented OFWs na aabot sa 8,000 dahil kahit mawalan ng trabaho ang mga ito dahil sa community quarantine ay babayaran pa rin sila ng kanilang employers at ng Swiss government.
Batay sa datos, aabot sa 2,000 ang undocumented OFWs sa Switzerland na karamihan ay mga domestic workers.
Naitala na rin aniya ang limang kaso ng COVID-19 sa mga Pinoy doon kung saan tatlo sa mga ito ay mga OFWs na na-ospital ngunit gumaling na.