Haharapin parin ng mga undocumented Filipino immigrants sa Estados Unidos ang deportation crackdown ng administrasyong Trump laban sa mga illegal immigrants.
Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, ilang bagong dating na mga Filipino ang nakatanggap na ng abiso na sila ay ipapa-deport pabalik sa Pilipinas.
Bagaman hindi pa tiyak ang bilang ng mga apektadong indibidwal, karamihan sa kanila ay iniulat na nasa mga estado na may malaking komunidad ng Filipino, tulad ng California, New York, at New Jersey.
Hinimok ni Romualdez ang mga apektadong mga Pinoy na kasalukuyang naninirahan sa U.S. na maghanap ng legal na paraan para manatili ang mga ito sa bansa.
Maaalalang ang crackdown na ito ay kasunod ng mga ulat noong Enero na 24 na undocumented na Filipino ang sangkot sa “petty crimes” ang na-deport na sa ilalim ng administrasyong Biden.
Tinalakay rin ni Romualdez ang posibilidad ng pananatili ng mga Filipino sa U.S. kung malinis ang kanilang immigration history.
Dagdag pa ng Embahada na ang mga Pinoy naninirahan sa U.S. ng higit sa limang taon, nagtatrabaho, at nagbabayad ng buwis ay may mas mataas na tsansang gawing legal ang kanilang pananatili, lalo na kung sila ay pumasok sa bansa gamit ang isang valid na work visa, kahit na ito ay pumasok na sa expiration.
Gayunpaman, binigyang-diin ng embahada na iba ang sitwasyon ng mga dumating gamit ang tourist visa.
Kamakailan, inilunsad ng U.S. Department of Homeland Security ang isang ad campaign na naghihikayat sa mga illegal immigrants na umalis na ng kusa at iwasan na ang posibleng deportation.
Sa kabila ng isinasagawang immigration crackdown, tiniyak ni Romualdez na nananatiling matatag ang relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng pangalawang termino ni US President Donald Trump.
Tiniyak niyang walang magiging malalaking pagbabago sa kanilang ugnayan.
Samantala, ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) ay naglaan ng pondo para sa legal, pinansyal, at medikal na tulong para sa mga apektadong Filipino, habang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nag-aalok ng suporta sa mga Pilipinong mapapauwi sa Pilipinas.