-- Advertisements --

Bigong makapasok ang mga unibersidad sa Pilipinas sa Top 100 ng Times Higher Education 2024 Asia University Rankings. 

Ang nangunguna kasing pamantasan sa bansa na Ateneo de Manila University ay nalaglag sa Top 100 ranking. Mula sa dating ika-84 na pwesto, bumaba ito sa 401-500 na bracket ayon sa kalalabas lamang na ranking ng Times Higher Education. 

Ito na ang ikalawang taon na itinanghal ang Ateneo de Manila University bilang nangungunang pamantasan sa bansa base sa ranking nito sa Asia University Rankings. 

Parehas namang nasa 501-600 bracket ang University of the Philippines at De La Salle University.

Habang ang Mapua University naman ay pumasok sa ika-601+ bracket. 

Samantala, sa unang pagkakataon naman ay nakapasok sa ranking ang University of Santo Tomas kung saan napabilang ito sa 601+ bracket. Noong nakaraang taon kasi ay “reporter” status lamang ang nakuha ng UST. 

Ang reporter status ay ibinibigay sa mga pamantasang nagbigay ng impormasyon sa Times Higher Education ngunit hindi pumasa sa criteria para pumasok sa rankings. 

Ngayong taon, nakatanggap din ng reporter status ang siyam pang unibersidad sa bansa gaya ng Cebu Technological University, Tarlac Agricultural University, at Visayas State University. 

Ang 2024 rankings ng London-based educational data company na Times Higher Education ay mula sa 739 na universities mula sa 31 territories sa Asya. Ilan sa mga criteria ng organisasyon ay teaching, research environment, at international outlook.