-- Advertisements --

ILOILO CITY – Pumalo na sa 226 ang bilang ng mga vendors sa Passi City Public Market sa Iloilo na kinapitan ng COVID-19 .

Ito ay kasunod sa pagsailalim sa RT-PCR test sa daan-daang mga vendors matapos nagpositibo sa COVID-19 ang isang empleyado ng Passi City Hall na may-ari ng kiosk sa nasabing palengke.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Passi City Mayor Atty. Stephen Palmares, sinabi nito na labis ang kanyang pangamba na umakyat pa ang bilang ng nagpositibo sa virus dahilan na nagdesisyon ito na isailalim ang lungsod sa enhanced community quarantine (ECQ).

Napag-alaman na ang Passi City lamang ang nag-iisang lugar sa Western Visayas na napaisailalim sa pinakamaaas na antas ng comunity quarantine.

Ayon kay Palmares, sa ngayon ay mahigit na 10,000 katao ang napasailaim sa RT-PCR test sa kanilang siyudad.

Nananatili naman sa quarantine facility ang mga residente na nagpositibo sa COVID-19.