Humingi ng tulong si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson, Atty. Romando Artes sa Department of the Interior and Local Government (DILG) gayundin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ay para sa mabilis na paghahanap ng lugar para sa mga maliliit na negosyante na nagtitinda sa mga lansangan sa Metro Manila, upang maipagpatuloy ang kanilang negosyo nang hindi nakakaabala sa iba.
Ginawa ni Artes ang pahayag, makaraang magsagawa ng clearing operations sa bahagi ng service road sa hangganan ng mga Lungsod ng Parañaque at Pasay, kaninang umaga.
Ayon kay Artes, magandang magkaroon ng sariling lugar ang mga maliliit na negosyante sa iba’t ibang lokalidad sa Metro Manila, upang hindi na makaharang ito sa mga kalsada na nagreresulta sa pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Ang nasabing hakbang ay sinang-ayunan naman ni Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano, na nagsabing ito ang nakikita nilang solusyon upang mapaluwag ang mga lansangan na walang mga negosyante ang nakararanas ng pagkalugi dahil sa clearing operations.