Pinainspeksiyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar ang mga venues, kalsada at gusali na gagamitin sa papalapit na Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre.
Ayon kay Villar, kailangan umanong masiguro na maayos ang mga pasilidad habang isinasagawa ang nasabing regional sports meet.
Sinabi ng kalihim na hindi maiiwasang magkagulo ang audience o manunood sa SEA Games kaya kailangang matiyak na matibay ang lahat ng pasilidad.
Tiniyak din ng DPWH na iuulat din nila ang mga kalsada at tulay na posibleng daanan habang nagsasagawa ng clearing operation at maglalaan din ng service para sa mass evacuation.
Ayon kay DPWH Usec. Roberto Bernardo, pansamantalang isususpinde ang construction works sa lalawigan ng Bulacan; Clark, Pampanga; Subic, Zambales; Capas, Tarlac, La Union, Cavite, Batangas, Laguna, at Metro Manila limang araw bago simulan at pagkatapos ng SEA Games events.