Inilabas na ng Korte Suprema ang isang desisyon na nagpapahintulot sa paggiba ng mga videoke machine, sari-sari store, billiard table at iba pang negosyo na nasa dalampasigan.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy C. Lazare-Javier, kinatigan ng Second Division ng kataastaasang hukuman ang utos ng Court of Appeals na gibain ang mga istrukturang hindi awtorisadong nasa mga pampublikong lupa.
Partikular na rito ang mga nakatayong negosyo sa Matabungkay Beach sa Lian, Batangas kung saan ang mga istruktura ay wala umanong permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kaugnay nito ang pagsasampa ng kaso ng mga may-ari ng isang resort sa Matabungkay Beach laban sa mga nag-o-operate ng hindi awtorisadong istruktura sa tabi ng dalampasigan.
Ayon kasi sa may-ari ng resort, nakakaantala raw ito ng kanilang negosyo at nakakaabala sa mga bisita dahilan para sa kanilang pagkalugi.
Ngunit ang desisyon naman ng Regional Trial Court ay hindi pumabor sa kanilang hinaing sapagkat kulang ang pagpapatunay na nagdulot nga ang mga istrukturang inirereklamo ng pagkawala ng kanilang kita.
Subalit idineklara ng Court of Appeals na iligal ang mga nakatayong negosyo na maituturing na isa itong public nuisance.
Ipinag-utos din nito ang demolisyon ng mga istruktura at pinagbabayad ang mga iligal na nag-ooperate ng danyos sa resort na naghain ng reklamo.
Sumang-ayon ang Korte Suprema rito sa sinabi ng Court of Appeals na ang mga istrukturang itinayo sa pampublikong foreshore na lupain nang walang lease agreement o kasunduan sa pag-uupa mula sa DENR.