Balak ng gobyerno ng Pilipinas na ipatawag din ang mga Vietnamese na sumaklolo sa mga mangingisdang Pilipinong nasangkot sa insidente sa Recto Bank.
Pahayag ito ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon sa nangyari.
Pero sinabi ni Sec. Lorenzana na posibleng hindi makatulong ang mga Vietnamese sa paglilinaw sa aktuwal na insidente dahil nasa malayong bahagi sila ng karagatan nang nangyari ito.
Gayunman, kakailanganin umano ang testimonya ng mga ito sa usapin ng pagliligtas sa ating mga kababayang mangingisda.
Sa inisyal na pagsisiyasat, sinasabing nasa apat na nautical miles ang layo ng mga Vietnamese sa pinangyarihan ng insidente.
Ginamit umano ng mga mangingisda ang maliit nilang bangka para marating ang barko ng mga Vietnamese at makahingi ng tulong.
Una na ring kinumpirma kagabi ni Sec. Lorenzana na kabilang sa natalakay sa pagpupulong nila kahapon na imbitahan sa Malacañang si Chinese ambassador Zhao Jianhua para kunin ang paliwanag ng China sa nangyaring insidente.