-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Lubos ang kasiyahan ng mga walk-in vaccinees na dumagsa sa St. Mary’s Academy of Kidapawan o SMAK Gymnasium at iba pang mga designated vaccination sites sa Kidapawan City.

Ito ay dahil sa natupad na nga ang kahilingan nilang mabakunahan laban sa Covid-19 ay tumanggap pa sila ng ayuda o relief pack mula sa City Government ng Kidapawan.

Mismong si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang nanguna sa pamimigay ng ayuda sa SMAK gym kung saan pumila at nagpabakuna ang abot sa 400 individuals.

Dalawang kilong bigas (7-tonner) at isang buong dressed chicken ang laman ng naturang relief pack na ipinamahagi sa mga vaccinees na hindi makaka-report sa trabaho dahil sila ay nagpabakuna partikular na ang mga kabilang sa informal sector.

“Ito ay tulong ng City Government ng Kidapawan para sa mga indibidwal na pumunta rito sa vaccination site at nagpabakuna laban sa Covid-19. Karamihan sa kanila ay hindi pumasok sa trabaho o lumiban sa araw-araw na gawain. Sila ay mga tricycle at multicab drivers, vendors, peddlers, at iba pa na kailangang kumayod araw-araw kaya binigyan natin sila ng ayuda”, sinabi ni Mayor Evangelista.

“Paraan din ito upang hikayatin ang iba pang mamamayan ng lungsod na magpabakuna at makaiwas sa nakamamatay na sakit” dagdag pa ng alkalde.

Kasama ni Mayor Evangelista si Kidapawan City Councilor Aljo Cris “Pipoy” Dizon sa nabanggit na aktibidad.

Ikinatuwa naman ni Atty. Jose Paolo M. Evangelista, Head ng Kidapawan City Nerve Center for Covid-19 o KCNC19 ang patuloy at mainit na suporta ng mamamayan sa walk-in vaccination.

“Patuloy nating gagawin ang walk-in vaccination upang lalo pang mahikayat ang mga mamamayan ng lungsod na magpabakuna. Mas marami ang mababakunahan, mas mabilis nating matatamo ang 70% herd immunity at makakabuti ito sa business at education sector”, ayon kay Atty. Evangelista.

“Lahat tayo ay nais ng mamuhay sa panahon ng new normal at para ito ay makamit , kailangan munang maging matagumpay sa vaccination. Ito ang magsisilbing daan para ang mga negosyante ay makabangaon mula sa hagupit ng Covid-19 at maging produktibo muli ang lahat”, ayon pa kay Atty. Evangelista.

Maliban naman sa 400 vaccinees na nagpabakuna sa SMAK gym vaccination site ngayong araw na ito, nabigyan din ng relief pack ang mga walk-in vaccinees sa United Doctors Hospital, Inc (400 vaccinees), Kidapawan Doctors Hospital, Inc. (500), Madonna Medical Center, Inc. (400), at Midway Hospital (400).

Samantala, sinabi rin ng KCNC19 na tuloy -tuloy ang walk-in vaccination sa Kidapawan City ngayong linggong ito mula November 2 hanggang November 7, 2021 sa pitong (7) mga vaccination centers na kinabibilangan ng KDHI, MMMCI, NDKC Gym, NDKC IBED, KDCI, UDHI (Pacifico), at Vargas Clinic kung saan libo-libong mamamayan ang matuturukan ng librengb bakuna laban sa Covid-19.