-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nakubkob ng militar ang hideout o kampo ng rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos ang engkwentro sa pagitan ng tropa ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, Philippine Army sa Barangay Pungtod, bayan ng Bacuag, Surigao del Norte pasado alas 6:45 ng umaga nitong nakalipas na araw.

Naganap ang 30-minutong bakbakan matapos ang engkuwentro matapos respondihan ng nagpatrolyang mga sundalo ang natanggap nilang sumbong ukol sa presensya ng mga terorista kungsaan dito na sila niratratan ng mga armadong nakakampo sa nasabing lugar.

Pinaniniwalaang mula sa Sandatahang Yunit Pampropaganda 16-C2 at 16-C1 ng Guerilla Front 16, Northeastern Mindanao Regional Party Committee (NEMRC) na pinangungunahan nina Alberto Castañeda alyas JD at Roel Neniel alyas Jacob ang grupo.

Matapos umatras ang mga rebelde ay narekober ng kasundaluhan ang tig-iisang Caliber 5.56mm pistol, AR15 rifle at M203 Grenade Launcher, 30 mga bala sa AK47 rifle, 20 mga bala ng M16 rifle, isang detonating device ng improvised explosive device (IED), mga subersibong dokumento at personal nga kagamitan ng mga rebelde.

Nagpa-abot naman si LCol Ryan Charles Callanta, commanding officer ng 30IB sa kanyang pasasalamat sa mga taong tumulong sa pagbibigay ng mga impormasyon sa lokasyon ng mga rebeldeng NPA.