BUTUAN CITY – Daan-daang mga eksplosibo at mga live ammunitions na pag-aari ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang narekober ng mga personahe ng Agusan del Sur Police Provincial Office kahapon sa bukiring bahagi ng Km. 18, Barangay Segunda, sa bayan ng Esperanza, Agusan del Sur.
Kasama sa mga narekober ang 111 mga Nitro EM 1000g Metro Explosive Emulsion Dynamites, 2 mga anti-personnel mines, isang 80-metrong firing wire, 9 mga blasting caps, 484 na 5.56 live ammunitions ng M16 rifle, 15 mga 7.62 live ammunition naman ng AK-47 rifle, isang Garand rifle, medical supplies, mga aklat at isang NPA flag.
Ayon kay Lt. Col. Darwin Yu, officer-in-charge ng Provincial Community Affairs and Development Unit ng nasabing tanggapan, ang pagkarekober ng naturang mga war materialys ay resulta ng intelligence work at suporta ng mga residente ng naturang lugar.
Nang matumbok ng pulisya ang tamang lokasyon ng mga ito ay daling inilunsad ang operasyon sa pangunguna ni Agusan Del Sur-PPO Director Col. Ruben Delos Santos kasama ang mga tauhan ng First at Second Mobile Force pati na ng Intelligence Unit ng pulisya sa nasabing lalawigan.