-- Advertisements --

Kinansela ng Bureau of Immigration ang mga work visa ng 459 na dayuhan nang matuklasan na ang kanilang mga aplikasyon ay ini-petisyon ng mga pekeng kumpanya.

Ayon kay BI Commissioner NOrman Tansingco, noong Nobyembre, inirekomenda ng kawanihan kay SOJ Jesus Crispin C. Remulla ang pagkansela ng visa ng mga dayuhan.

Gayundin ang pag-isyu ng show cause order laban sa mga sangkot sa mga aplikasyon.

Natuklasan ang mga petisyon ng mga pekeng kumpanya para sa work visa matapos magsagawa ng audit ang BI sa Verification and Compliance Division (VCD) nito na nagsiwalat na ang mga dayuhang ito ay gumagamit ng mga pekeng kumpanya sa kanilang mga aplikasyon para sa 9(g) visa, isang requirement para sa mga dayuhan na makapagtrabaho sa Pilipinas.

Sa paunang pagsisiyasat, hindi bababa sa 40 mga travel agencies ang pinaghihinalaang sangkot sa iligal na pamamaraan.

Samantala, sinabi ni Tansingco na lumikha din siya ng fact-finding group para sa mas malalim na imbestigasyon sa naturang iligal na aktibidad.

Giit ng opisyal na kanilang gagawin ang lahat upang mapanagot ang mga nangunguna at sangkot sa iligal na aktibidad.