Patuloy pa rin ang pagbuhos nang pakikiramay ng mga world leaders matapos ang nakakagulat na asasinasyon sa dating prime minister ng Japan na si Shinzo Abe.
Sa mensahe ni US President Joe Biden sinabi nito na puno siya ng kalungkutan at pagkagalit sa pagpatay kay Abe. Tinawag niya ang dating lider ng Japan bilang “champion of the friendship” sa pagitan ng kanilang bansa.
Nagpaabot din si Chinese leader Xi Jinping nang pakikiramay kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida matapos ang pagkamatay ng dating lider ng bansa na si Abe.
Ayon sa mensahe ni Xi, sinabi nito na noong buhay pa si Abe ay pinilit nitong pagandahin pa ang relasyon ng China at Japan. Kaya naman nagbibigay umano ng pugay si Xi dahil sa naging kontribusyon nito.
Inamin ni Xi na labis umano ang kanyang kalungkutan sa pagpanaw ni Abe kaya naman handa siya na makipagtulungan kay Kishida upang pag-ibayuhin pa ang ugnayan ng China at Japan.
Ang 96-anyos na si Queen Elizabeth ng Britanya ay tinawag na malaking trahedya ang pagkawala ni Abe, kasabay nang pagpapaabot nang pakikiramay ng kanyang pamilya.
Para naman kay French President Emmanuel Macron sinabi nito na nawalan ang Japan ng isang “great prime minister.”
Si Russian President Vladimir Putin ay nagsabi naman na ang pagkamatay ni Shinzo Abe ay malaking kawalan. Nagbigay din ng tribute si Putin kay Abe bilang “outstanding statesman.”
Ibinulalas naman ni UK Prime Minister Boris Johnson ang mga salitang “incredibly sad news.”
Inamin naman ni Australia’s Prime Minister Anthony Albanese ang kanyang “pagka-shock.” Aniya ang “global impact” sa legacy ni Abe ay mananatili dahil isa siyang “higanteng personalidad sa world stage.”
Tinawag naman ni European Council President Charles Michel ang pangyayari na hindi niya maintindihan kung bakit nauwi sa “brutal killing” ang pagkawala ng isang katulad ni Abe.
Nakidalamhati rin si South Korean President Yoon Suk-youl na ayon sa kanya hindi katanggap tanggap ang krimen na pagbaril kay Abe.
Si German Chancellor Olaf Scholz ay nagpaabot din nang pakikidalamhati sa Japan at sa iniwang pamilya ni Abe.
Hindi rin naman halos makapaniwala si Canadian Prime Minister Justin Trudeau sa pagkawala ng kanyang kaibigan, na para sa kanya ay “incredibly shocking” ang asasinasyon.
Tinawag naman ni Brazilian President Jair Bolsonaro si Abe bilang “brilliant leader” kaalinsabay ng kanyang labis umanong pagkapoot sa pumatay sa kanilang “great friend of Brazil.”
Itinuturing naman ni Indian Prime Minister Narendra Modi na “dear friend” si Abe kaya ngayong Sabado ay nagdeklara siya ng isang araw na national mourning doon sa India.