Nagpaabot ng pakikiramay ang ilang mga world leader sa nangyaring malakas na pagsabog sa Beirut port sa Lebanon na ikinasawi ng halos 70 katao at ikinasugat ng mahigit 2,500 iba pa.
Pinangunahan ito ni European Union President Charles Michel, kung saan nagbigay agad sila ng tulong at nagpaabot ng pakikiramay sa mga nasawing biktima.
Patuloy naman binabantayan ng White House ang nagaganap sa Lebanon at nagpahayag din si US President Donald Trump ng tulong sa sa nasabing bansa.
Agad namang nagpadala ng tulong si French President Emmanuel Macron sa nasabing bansa.
Ipinagdasal naman ni German Chancellor Angela Merkel ang mga nasawi at nasugatang biktima mula sa malakas na pagsabog.
Isa ring nakidalamhati si Israel President Reuven Rivlin, kung saan nakikiisa sila sa sakit na dinaanan ng Lebanon.
Nanawagan naman ng agarang blood donations ang Lebanese Red Cross para may magamit sila sa mga biktima ng pagsabog.
Magugunitang mahigit 70 katao na ang nasawi at mahigit 2,500 ang nasugatan sa malakas na pagsabog na naganap sa Beirut port kung saan sa inisyal na imbestigasyon ay nagmula ito sa bodega kung saan itinatago ang mga nakumpiskang bomba at pampasabog.
Matapos ang insidente ay inutusan agad ni Lebanese President Michel Aoun ang kaniyang mga sundalo na magsagawa ng pagpapatrolya sa lugar para matiyak ang kaligtasan ng kaniyang bansa.