NAGA CITY- Mahigpit nang binabantayan ng Mines and Geoscience Bureau- Regional Office 5 ang dumaong na Chinese Vessels sa bayan ng Paracale, Camarines Norte.
Mababatid na unang namataan ang barko ng J. Peace kasama ang barge at tugboat nito noong Mayo 21, 2021.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Engineer Guillermo Molina, Regional Director ng MGB – Regional Office 5, kinumpirma nito na may intensiyon na mag-export mula sa Paracale ng mga iron sand o mas kilala bilang black sand ang nasabing barko.
Ayon kay Molina, posibleng ang Unidragon o Feng Hua company ang nakikitang sources ng nasabing chinese ventures.
Kaugnay nito, sa isinagawa namang imbestigasyon ng MGB-Bicol, nabatid na tanging ang lokal na pamahalaan ng Paracale ang nagbigay ng permit to transport ng nasabing barko.
Kung kaya, tinawag na ng MGB ang atensiyon ng LGU, sa utos na rin mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), para hindi makakarga ng mga blacksand ang nasabing barko.
Humingi na rin ng asistensiya ang MGB sa iba’t-ibang ahensiya kasama na dito ang Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG), gayundin ang Philippine National Police (PNP) para sa monitoring sa nasabing Chinese Vessels.
Sa ngayon, hindi pa naman nagsasagawa ng extraction ng mga blacksand ang barko sa nasabing bayan.