-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kumambyo ang Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (MGB-DENR) Region 6 kaugnay sa mga lumabas na balitang namemeligrong lumubog ang Isla ng Boracay dahil sa diumano’y natagpuang mahigit sa 800 sinkholes.

Ayon kay Aklan 1st District Board member Jay Tejada nilinaw ito ng ahensiya sa kanilang isinagawang legislative inquiry.

Depensa umano ng MGB-DENR, na-“misquote” lang umano sila ng mga mamamahayag sa isinagawang media forum noong December 12, 2022.

Inirekomenda lang aniya ng ahensiya na ma-regulate ang mga aktibidad sa isla lalo na ang pag-obserba sa carrying capacity at pagpapatayo ng mga buildings dahil sa posibilidad ng pag-guho ng ilang bahagi ng lupa dahil sa unti-unting pagkatunaw ng limestone.

Sa pag-aaral na isinagawa ng DENR –Ecosystems Research and Development Bureau noong 2018 sa kasagsagan ng Boracay closure dahil sa rehabilitasyon, ang carrying capacity ng isla ay dapat na nasa “19,215 at any given time.”

Katumbas ito ng 6,405 arrivals a day para sa three-day stay.