LEGAZPI CITY- Nilinaw ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Bicol na hindi ang quarry operations ang dapat na sisihin sa nangyaring mga pagbaha sa ilang parte ng Albay sa kasagsagan ng pananalasa ng Super Typhoon Rolly at Bagyong Ulysses.
Kasunod ito ng pagkakasuspendi ng 15 quarry operators sa Albay na nakitaan ng violation sa environmental law na sinisisi naman ng mga residente na dahilan umano ng pagbaha.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay MGB Bicol Director Guillermo Molina Jr., lumabas sa kanilang assestment na hindi quarrying subalit talagang lahar prone areas ang ilang lugar sa Albay partikular na ang mga barangay ng Travesia at San Francisco sa Guinobatan na labis na binaha noong Bagyong Rolly.
Ganito rin umano ang paliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na itinuturo rin ang magkakasunod na bagyong dumaan sa lalawigan na nagdala ng mahabang pag-ulan dahilan upang bumuhos pababa ang mga naipong volcanic materials sa tuktok ng Bulkang Mayon.
Imbes na makasira nakakatulong pa umano ang quarrying sa paanan ng bulkan dahil pinalalalim nito ang mga river channels at naiiwasan ang pag-apaw ng tubig.
Subalit binigyang diin ng opisyal na kahit na hindi quarrying ang nagdulot ng pagbaha sa Albay hindi ito dahilan upang hindi na panagotin ang mga quarry operators na lumalabag sa batas.