LEGAZPI CITY – Duda pa ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) Bicol kung matatawag na “sinkhole” ang nakita sa karagatang sakop ng Barangay Casabangan, Pio V. Corpuz, Masbate.
Nakita ito matapos ang pagtama ng Magnitude 6.6 na lindol sa lalawigan.
Paliwanag ni MGB Bicol Regional Director Guillermo Molina Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, imbes na “sinkhole” o paglubog ng isang bahagi, tila “uplift” ang nangyari sa umangat ang lupa.
Ganito rin aniya ang nangyari tatlong taon na an nakakalipas sa Cebu-Bohol area na umangat ang lupa sa karagatan dahil sa pagyanig.
Subalit hindi aniya malabong mangyari na magkaroon ng sinkhole sa naturang lugar na marami ang limestone o lupang malambot at soluble sa tubig.
Kung saturated umano sa tubig ang isang material at nagkaroon ng paggalaw ng lupa, posible ang pagpaibabaw nito.
Umaasa naman ang naturang opisyal na mailalabas ang findings sa Lunes, Agosto 24 ng isasagawang pag-explore sa Sabado, Agosto 22 ng mga ipinadalang geologists at divers.