Itinalaga bilang bagong acting Central Command (CentCom) commander si M/Gen. Paul Attal bilang kapalit ni Lt. Gen. Oscar Lactao.
Mismong si Armed Forces of the Phillippines (AFP) chief of staff Gen. Rey Leonardo Guerrero ang nanguna sa change of command and retirement ceremony para kay Gen. Lactao na magreretiro sa serbisyo sa darating na December 11, 2017.
Si M/Gen. Attal ay siyang concurrent commander ng 5th Infantry Division na nakabase sa Gamu, Isabela, at miyembro ng Philippine Military Academy-Maharlika Class of 1984.
Ayon kay AFP Public Affairs office chief Marine Col. Edgard Arevalo, alas-3:00 ng hapon kaninang naganap ang change of command.
Paliwanag ni Arevalo kung bakit acting pa lamang ang posisyon ni Attal, ay dahil hindi pa napipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang papeles nito.
Bakante din sa ngayon ang puwesto ng Southern Luzon Command (SolCom) kung saan ang commander nito na si Lt. Gen. Madrigal ay itinalagang commander ng Eastern Mindanao Command.
Sa ngayon wala pang itinatalagang bagong SolCom chief pero si 2nd Infantry Division Commander M/Gen. Rhoderick Parayno ang siyang officer0in-charge.
Kinumpirma rin ni Arevalo na nagpulong na ang Board of Generals at may mga rekomendasyon na rin ang mga ito kung sino ang itatalagang mga commander sa mga nabakanteng puwesto.