Nanindigan ang Manila International Airport Authority na hindi ito sasagot para sa private concessionaire na dawit sa sumiklab na sunog sa parking area sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
May kaugnayan pa rin ito sa 19 na kotse na tinupok ng apoy sa naturang lugar kahapon, Abril 22, 2024.
Ayon kay MIAA Spokesperson Atty. Chris Bendijo, lumapit na sa kanilang tanggapan ang anim sa mga may-ari ng mga kotseng natusta sa nasabing parking lot nang dahil sa nangyaring insidente.
Sabi kasi aniya ni MIAA general manager Eric Ines na dapat na maging handa ang naturang private concessionaire na sagutin ang mga indibidwal na naapektuhan sa naturang insidente dahil ito lamang aniya ang makakapagsabi ng kanilang liability.
Samantala, kaugnay nito ay sinabi naman ni Bendijo na maaari pa ring lumapit sa MIAA ang mga apektadong car owners atsaka nila ito ire-refer sa private concessionaire.
Sa ngayon ay nagsumite na ng liham kay MIAA general manager Ines ang naturang concessionaire hinggil sa kanilang liability sa naturang insidente.
Ngunit una nitong binigyang-diin na mayroon umanong initial disclaimer sa kanilang parking lot sa pamamagitan ng nakapaskil na karatulang may mga katagang “part at your own risk”.
Gayunpaman ay sinabi ni Bendijo na may mga ganitong kaso na rin noon ang nawalan ng bisa depende na rin sa naging resulta ng kanilang imbestigasyon.