Inaasahan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na bahagyang huhupa na ang buhos ng mga pasahero sa mga paliparan sa bansa simula ngayong Huwebes Santo, Abril 17.
Ito ay matapos makapagtala ng mataas na bilang ng mga pasahero noong Martes Santo, Abril 15 na pumalo sa 140,000 biyahero, sa local at international flights at para sa departure at arrival travels.
Ayon kay MIAA General Manager Eric Ines, karamihan sa mga bumiyahe ay patungong probinsiya na nasa 40,000 pasahero habang nasa 38,000 naman ang umalis patungong ibang bansa.
Sa kabila naman ng inaasahang malaking pagbaba ng bilang ng mga pasaherong nagtutungo sa mga paliparan sa mga susunod na araw, mas mataas aniya ng 15% ang naitala ngayong taon kumpara noong Holy Week noong 2024.