Ipinatatanggal na ng Manila International Airport Authority sa private concessionaire na sangkot sa nasunog na parking lot sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang mga tuyong damo sa lugar.
Kasunod nga ito ng naturang insidente na nagresulta sa pagkatusta ng nasa 19 na mga kotse na naka-park dito nang mangyari ang naturang insidente.
Ayon kay MIAA Spokesperson Atty. Chris Bendijo, kaugnay nito ay ipinag-utos na ni MIAA General Manager Eric Ines ang pagbabawal sa private concessionaire na Philippine Skylanders International na makapag-operate hanggang hindi nila naaalis ang lahat ng mga tuyong damo na nakapaligid sa naturang lugar.
Ito aniya ay matapos na ipatawag sila ni GM Ines kasunod ng nasabing insidente kung saan inatasan niya ito na talagang bungkalin ang nasabing property at alisin ang lahat ng mga tuyong damo atsaka tatabunan ng mga grava.
Samantala, sa ngayon ay inihayag ng opisyal na nagpapatuloy pa rin ang kanilang ginagawang imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente.
Ngunit batay aniya sa CCTV footage na kanilang nakalap ay wala naman silang namataan na anumang intensyonal, pananabotahe, o foul play kaugnay sa nangyaring sunog.