Ikinabahala ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang muling natanggap na ulat na pagpapalipad ng drone sa Ninoy Aquino International Airport(NAIA).
Ang pinalipad na drone, ayon sa MIAA, ay hindi umano awtorisado at nakitang lumipad sa loob ng 10 kilometer aerodrome radius.
Ayon sa MIAA, mapanganib ang paggamit o pagpapalipad ng mga drone sa palibot ng paliparan dahil sa maaring maging dahilan ito ng banggan ng mga eroplano sa himpapawid, maliban sa panganib nito sa kaligtasan ng mga tao.
Payo ng ahensiya sa mga drone operators na sundin ang mga regulasyong itinatakda ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), upang maiwasan ang anumang panganib.
Babala ng ahensya, maaaring pagmultahin at ikulong ang mga drone operators na lalabag sa regulasyon ng CAAP.
Batay sa datos ng MIAA, mayroon nang apat na insidente ng hindi awtorisadong pagpapalipad ng drone sa palibot ng NAIA sa unang kwarter ng 2024.
Noong 2023, umabot sa sampu ang kabuuang naitala ng ahensya.