Pinayuhan ngayon ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga pasaherong pumunta sa paliparan nang mas maaga dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga pasahero ngayong Holy Week.
Ayon kay MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co, ang mga mayroong international flights ay dapat nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) apat na oras bago ang kanilang pag-alis habang dalawang oras naman para sa domestic flights.
Inaasahan na raw kasi ang karagdagang 20,000 na pasahero kada linggo simula sa Holy Week.
Dapat umanong maaga ang mga pasahero sa paliparan dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga pasahero hanggang sa summer season.
Sa nalalapit na Holy Week, inaasahan umano ng MIAA ang nasa 140,000 na pasahero ang dadaan sa NAIA at mas mataas ito sa dating 120,000 passengers.
Inaasahan namang papalo sa 41 million hanggang sa 43 million ang mga pasaherong dadating sa bansa sa buong taon mula sa dating 31 million noong 2022.
Ang pagtaas ng bilang ng mga pasahero ay dahil na rin sa pagbubukas ng ilang bansa sa kanilang borders kasunod ng pagluluwag ng lockdowns dahil sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Kaya naman todo raw ang kanilang paghahanda para maiwasan ang aberya delays maging ang kanselasyon ng mga flight para sa ikabubuti ng paglalakbay ng mga pasahero.
Dagdag ni Co, tinatrabaho na rin daw ng MIAA ang Terminal Assignment Rationalization Program.
Plano kasi ng MIAA na ilaan para sa mga domestic flights ang Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Layon nitong gawing para sa domestic flights lamang ang terminal pagsapit ng buwan ng Hulyo at ililipat na ang international flights sa Terminal 1.
Ang natitirang international flights ay nakatakdang ilipat naman sa buwan ng Hunyo.
Ipinoproseso na rin ng ahensiya ang lounge para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Terminal 3 na layong buksan sa ika-apat na quarter ng taon.