Hiling ngayon ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga airline companies na bigyan prayoridad ang mga overseas Filipino workers (OFW) para maka alis ng bansa.
Ito’y matapos makansela ang biyahe ng mga ito kasunod ng pagsadsad ng Xiamen aircraft sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa press briefing ngayong hapon kay MIAA General Manager Ed Monreal, kaniyang pinawi ang pangamba ng mga OFW na mawalan sila ng trabaho dahil sa pagka-antala
ng kanilang biyahe.
Sinabi ni Monreal, naiintindihan naman umano ito ng mga employer dahil wala namang may gusto na mangyari ang kinasangkutang aksidente ng Xiamen aircraft.
Iginiit din nito na responsibilidad ng mga Airline companies ang kanilang mga pasahero kaya hiling nito ang kanilang kooperasyon.
Aniya, dapat nilang harapin ang kanilang mga pasahero at kausapin ang mga ito.
Kinumpirma din ni Monreal na ilang airline companies ay binigyan ng accomodation ang kanilang mga naistranded na pasahero.
Nagpahayag naman ng pagka dismaya si Monreal dahil marami pa rin mga airline companies ang hindi tinutugunan ang kanilang moral responsibilities sa kanilang mga pasahero.
Apela naman ng MIAA sa mga pasahero na bago pumunta sa airport ay makipag ugnayan sa mga airline companies.
Dapat maging mahinahon at makipag cooperate dahil dadaan ito sa tamang proseso.
Sa ngayon, unti -unti na rin bumabalik sa normal ang operasyon sa NAIA Terminal 1 at 2 pero malaki pa rin ang problema sa NAIA Terminal 1.
Batay sa datos ng MIAA nasa 651 international at domestic flights ang naapektuhan bunsod sa aksidenteng kinasangkutan ng Xiamen aircraft.
Sa ngayon ongoing na ang imbestigasyon kaugnay sa insidente ng sa gayon matukoy kung ano ang dahilan ng pagsadsad ng eroplano.
Binigyang-diin ni Monreal na sa panahong ito hindi na dapat magturuan, ang kailangan ay ang kooperasyon ng bawat isa.