MIAMI – Buhay pa ang pag-asa ng Miami Heat na makapasok sa NBA playoffs matapos na masilat nila sa overtime game ang defending champions na Cleveland Cavaliers, 124-121.
Bumida sa panibagong panalo ng Heat si Tyler Johnson na may 24 points, kabilang na ang huling apat na puntos mula sa foul line.
Nagsama rin ng puwersa sina Hassan Whiteside sa pamamagitan ng kanyang 23 points at 18 rebounds, Josh Richardson na may 19 points, at si James Johnson ay nagtapos sa 16 at Goran Dragic ay nag-ambag ng 15 na puntos.
Kung sakaling natalo ang Miami (40-41) ay tuluyan sana silang eliminated.
Nagawa nilang mahabol ang 15 kalamangan ng Cleveland (51-30) sa pamamagitan ng rally.
Sa kampo ng Cavaliers nagtala si Deron Williams ng season-high na 35 points, kasama ang nine assists at seven rebounds habang tumulong naman si Kevin Love sa 25 points na pinilit punan ang hindi paglalaro nina LeBron James, Kyrie Irving and Tristan Thompson.
Nasa 0-7 na ang record ng Cavs nang hindi naglaro si James.
Muli namang nalampasan ng Boston (52-59) ang Cavs para sa No. 1 sa Eastern Conference.
Sa ngayon ang Miami ay nanatili sa No. 9 spot sa East.
Samantalang nasa No. 7 ang Indiana (41-40) at No. 8 ang Chicago (40-41) na kapwa nanalo sa hiwalay na laro.
Sa Huwebes magkakaalaman ang kokompleto sa walong teams na uusad sa playoffs.
Sunod na makakalaban ng Heat ang Washington at target ang 4-0 record nila ngayong season.