Agad na nag-trending sa buong mundo ang tinaguriang “incredible block” ni Bam Abebayo kay Jason Tatum, na kabilang sa naging susi upang masilat ng Miami Heat ang Boston Celtics.
Naiposte ng Miami ang come-from-behind win na mistulang dumaan pa sila sa butas ng karayom nang umabot sa over time game, 117-114 ang Game 1 sa Eastern Conference finals.
Sa pagsisimula kasi sa first quarter agad na umarangkada sa 8-0 lead ang Boston hanggang sa umabot pa sa 13 ang kanilang kalamangan.
Maging sa fourth quarter ay nagposte pa ng 14 points lead ang Celtics.
Pero sa huli nagsama ng puwersa ang mga All-Stars na sina Jimmy Butler at Adebayo upang habulin ang karibal na team.
Naging tampok sa makapigil hininga na laro ang last 12 seconds kung saan lumamang pa ng two points ang Miami mula sa pag-atake ni Butler.
Sa sumunod na tagpo, nag-drive si Tatum para sana sa dunk at nakalusot sa depensa ni Butler pero bigla na lamang tumalon si Adebayo at parang kidlat na inabot ang bola sa kamay ni Jason at matagumpay na tinapik sa board para maharang ang puntos.
Sa muling opensa, sumablay muli ang desperadong 3-pointer ni Tatum na sinabayan pa ng pagtunog ng buzzer.
Sa overtime game, hindi na nagpabaya pa ang init ng Miami upang durugin
sa 11-8 na abanse.
Nagtapos sa laro si Butler na may 20 points (7-for-14), pero ang top scorer ay si Goran Dragic na kumamada ng 29 points o nagpasok ng 11 mula sa 19 na pagtatangka.
Si Jae Crowder ay hindi rin nagpahuli sa 22 at si Adebayo ay nagpakita ng 18.
Samantala sa kampo ng Celtics nasayang ang ginawa nina Tatum na may 30 points, gayundin si Marcus Smart na nagbuslo ng 26, Kemba Walker na may 19 at si Jaylen Brown na nagdagdag ng 17.