Binulabog ng Miami Heat ang top team sa NBA na Milwaukee Bucks upang ipatikim nila ang ikalawang talo, 105-89.
Sa ngayon tanging ang Heat pa lamang ang nakagawa ng record na dalawang beses na tinalo ang Bucks.
Naglatag ng mala-pader na depensa ang Miami at nagpaulan ng three point shots upang gulatin ang Bucks.
Nagtagumpay din ang Heat na limitahan lamang sa 13 points ang reigning NBA MVP na si Giannis Antetokounmpo o 6 for 18 shooting para maulit ang kanyang season low.
Sinasabing ang Heat All-Star na si Bam Abebayo ang nagpahirap sa galaw ni Giannis.
Ang matinding depensa ay naging dahilan upang maranasan ng Milwaukee ang season-low na 89 points.
Mistulang nalito rin ang Bucks sa walang humpay na tirada ng Miami sa 3-point area kung saan 18 ang naipasok para sa 48.6%.
Para naman kay Antetokounmpo, na kumuha ng 15 rebounds, magkakaalaman muli sila sa pagsapit ng playoffs dahil sa pagkakataong ‘yon ay babawi sila.
“If we see them in the playoffs… we gotta be ready” ani Antetokounmpo.
Para naman kay Adebayo malaking hamon kung ang ka-one-on-one mo ay si Giannis.
Ang kanilang panalo raw ay nagpapakita lamang na bagamat ang Heat ay “underdog” kayang-kaya naman nilang tapatan ang sinumang team.
Ito rin ang inamin ng Filipino American Heat coach Erik Spoelstra sa pagsasabing, kaya nilang idiskarel ang mga bigating offensive teams basta maging “consistent” lamang ang mga players nila.
Nagtapos si Adebayo ng 14 points, 13 rebounds, 5 assists at 3 blocks.
Kapwa naman may tig-18 points sina Jae Crowder at Jimmy Butler habang si Goran Dragic ay nagdagdag ng 15 para sa Miami (39-22).
Sa kampo ng Bucks (52-9) bumandera sa opensa si Brook Lopez na may 21 points na sinuportahan ni Khris Middleton sa pamamagitan ng 12 at si Donte DiVincenzo ay nagpakita ng 11.
Ang next game ng Bucks ay host sila sa Indiana sa Huwebes.
Samantala ang Heat ay host din laban sa Orlando Magic.