Patuloy sa pamamayagpag ang Miami Heat makaraang itala ang kanilang ikaapat na panalo nang mabiktima ang Atlanta Hawks, 106-97.
Ito na ang ikaapat na panalo at isang talo ng Miami sa pagsisimula ng bagong season.
Ang player ng Heat na si Kendrick Nunn ang naging bayani sa kanyang career high na 28 points.
Sa kasaysayan ng NBA ang natipong puntos ni Kendrick sa unang limang laro na umabot na sa 112 ay ang pinakamatas sa isang undrafted player.
Si Nunn, ay 6-foot-2 guard mula sa Oakland University sa Michigan.
Sa tindi ng init ng kanyang kamay sa shooting, nagtala na siya ng 24 points o higit pa ng tatlong beses sa loob lamang ng limang games.
Isa pang player ng team na nagpakitang gilas din na may record-setting bilang rookie ay si Tyler Herro na kumamada ng 17 points.
Dati na siyang nagtala ng 29 points bago ang larong ngayon para iposte ang franchise record para sa isang rookie reserve.
Sinamantala naman ng Miami ang kawalan ng star point guard ng Atlanta na si Trae Young, na nagkaroon ng sprain sa right ankle.
Ang panalo ng Heat ay sa kabila na nanamlay ang performance ni Jimmy Butler na dating may 21 points sa debut noong Miyerkules na ngayon ay nagpakita lamang ng five points pero merong 11 assists at nine rebounds.
Hindi naman nakalaro sa Miami si Justise Winslow dahil sa dinaramdam sa lower back stiffness.