Pasok na rin sa second round ng NBA playoffs ang Miami Heat o sa Eastern Conference semifinals matapos na talunin sa Game 5 ang Atlanta Hawks, 97-94.
Ang panalo sa serye ng Miami sa 4-1, ay sa kabila na hindi nakalaro ang dalawa nilang superstars na si Jimmy Butler at Kyle Lowry.
Dahil dito, doble kayod ang ginawa nina Victor Oladipo na may 23 points at ang big man na si Bam Adebayo na nagdagdag ng 20 points at 11 rebounds.
Hindi rin nagpahuli ang Heat sa init ng mga tira ng iba pang mga players na sina Tyler Herro na umiskor ng 16, Max Strus na may 15 at si Caleb Martin na nagdagdag ng 10 puntos.
Muli na namang inalat ang All-Star guard ng Atlanta na si Trae Young na meron lamang 11 puntos dahil pa rin sa hirap siyang malusutan ang inilatag na malapader na depensa ng Miami.
Aminado naman si Young na ang magaling na depensa ng Heat ang nagpadiskarel sa kanilang kampanya.
“They’re a good defensive team,” ani Young matapos ang game.
Sa ngayon inaantay na lamang ng Miami ang magwawagi sa hiwalay na serye sa pagitan ng Philadelphia Sixers at Toronto Raptors kung saan magsisimula naman ang Game 1 sa semifinals sa darating pa na Martes.
Nagbigay pugay din ang Fil-Am head coach ng Miami na si Erik Spoelstra sa mga players at sinabi nito na tama lamang daw na tapusin nila ang serye sa harap mismo ng kanilang mga fans.
“I thought it was fitting that we had to get this game with a stop at the end,” wika pa ni Spoelstra.