Hindi umubra ang panibago na namang triple double performance ni Russel Westbrook sa pagkatalo ng Oklahoma City Thunder sa Charlotte Hornets, 101-113.
Naitala ni Westbrook ang kanyang ika-anim na sunod na triple double at ika-40 mula sa pagsisimula ng season.
Kumamada ng 40 points, 13 rebounds at 10 assists na halos abot kamay na niya na mapantayan ang ginawa ng NBA great na si Oscar Robertson na may 41 record na naitala noon pang 1961-62 season.
Hindi naman naging sapat ang performance ni Westbrook at Thunder (43-33) sa grupo nina Kemba Walker na may 29 points, Frank Kaminsky na nagdagdag ng 18 points at si Michael Kidd-Gilchrist na nag-ambag ng 16 para sa Charlotte (36-41).
Nasa ika-10 puwesto sa Eastern Conference ang Hornets o dalawang games sa likod ng Chicago, Indiana at Miami.
Meron na lamang anim na laro ang natitira para sa Charlotte.
Sa ibang games, muli na namang namayagpag si Stephen Curry upang bitbitin ang Golden State Warriors sa panalo laban sa Washington Wizards, 139-115.
Naipasok ni Curry ang siyam na 3-pointers, walong assists at 42 puntos para mailapit pa ang Warriors (63-14) sa Western Conference top playoff seed.
Si Klay Thompson ay tumulong sa 23 points habang si Shaun Livingston ay nagpakitang gilas sa kanyang season-high na 17 points at pitong rebounds mula sa bench.
Sa Wizards (46-31) naman si John Wall ay merong 15 points at 11 assists.
Samantala, muli na namang minalas ang Miami Heat nang ipatikim ng Denver Nuggets ang ika-40 nilang talo mula sa 77 games sa pamamagitan ng 113-116.
Nagsama-sama ng puwersa sa opensa sina Danilo Gallinari na may game-high na 29 points, Nikola Jokic at Wilson Chandler na kapwa nagdagdag ng 19 para sa desperado nilang paghahabol na makasabit sa playoffs.
Dalawang games pa kasi ang kailangan ng Denver upang makapuwesto sa pang-walo sa Western Conference.
Nabigo naman ang pagsisikap ni Goran Dragic na may 22 points para sa Heat.
Si Josh Richardson ay nagtapos sa 17 habang nagkasya si Hassan Whiteside sa 16 points at 12 rebounds.
Sa ngayon ay may kartada ang Miami na 37-40 para sa No. 8 spot sa Eastern Conference kahit lumasap sila ng second straight loss sa kanilang teritoryo.