-- Advertisements --

Hind inalintana ng Miami Heat ang dalawang beses na paghahabol nila sa regulation play at sa overtime game para malusutan pa rin ang Philadelphia Sixers, 117-116.

Kung tutuusin abanse pa ang Sixers ng limang puntos sa huling dalawang minuto sa fourth quarter, habang may dalawang tiyansa na nasayang ang Heat sa overtime.

Gayunman nakahanap pa rin ng paraan ang Miami upang iposte nila ang NBA best na 15-1 record sa kanilang home turf.

Muling bumida si Jimmy Butler sa kanilang ika-24 na panalo sa pamamagitan ng kanyang 25 points, nine rebounds at nine assists kabilang na ang go-ahead free throw na may 2.3 seconds ang nalalabi sa extra period upang selyuhan ang magkasunod na overtime win.

Sa ngayon umakyat na sa No.2 spot ang Heat sa Eastern Conference.

Tumulong din sa opensa ng Miami sina Goran Dragic na may 19 points at sina Tyler Herro at Duncan Robinson na kapwa nagtapos sa 16.

Sa kampo naman ng 76ers nasayang ang ginawa ni Joel Embiid na nagpakita ng 35 points at 11 rebounds.

Ang dating Heat player na si Josh Richardson ay nag-ambag ng 17 puntos.

Si Ben Simmons naman ay nagbuslo ng 15 at 11 assists.

Samantala, ang Filipino American head coach ng Miami na si Erik Spoelstra ay halos hindi makapaniwala sa mistulang pagdaan nila sa butas ng karayom upang itumba ang karibal na Sixers (23-12).