-- Advertisements --
miami wins
miami lakers

(UPDATE) Ipagpapabukas na lamang umano muna ng Miami Heat ang pagpaplansta ng diskarte sa nakatakda nilang kampanya sa NBA Finals matapos ang pagbingwit nila ng kampeonato sa Eastern Conference.

Una rito, umusad na sa NBA Finals ang Heat makaraang ilaglag nang tuluyan ang Boston Celtics sa Game 6 ng kanilang best-of-seven series, 125-113.

Ayon kay Miami head coach Erik Spoelstra, bagama’t aminado itong nakaka-intrigang matchup ang aabangan sa pagitan ng kanyang koponan at ng Los Angeles Lakers, hayaan daw muna sila na sulitin ang kanilang tagumpay sa conference finals.

Hindi rin muna sinagot ng Filipino-American coach ang tanong ng press kung ano ang nararamdaman nito na haharapin ng Heat si NBA superstar LeBron James, na dating miyembro ng koponan.

“That’s a great storyline. Can you let us enjoy this for right now. This is hard to do. It’s hard to get to this point. I want our guys to recognize that and enjoy it,” wika ni Spoelstra.

Sa panig naman ni LeBron, nagagalak ito dahil muli silang magkikita ng dati niyang coach at mga teammates.

Sa laro kanina, bumida nang husto sa Heat sina Bam Adebayo na umiskor ng 32 points, Jimmy Butler, 22 at Tyler Herro, 19 points.

Mistulang palitan lang ng pagpuntos ang Heat at Boston mula 1st at sa kalahati ng 4th quarter ngunit pagsapit ng huling limang minuto ng regulasyon ay agad na humataw sina Adebayo at Tyler para tambakan na ang Celtics.

Hindi na nakaporma pa ang Celtics sa pagpasok ng huling dalawang minuto ng laro nang tambakan sila ng aabot sa 12 points ng Heat dahil nagmimintis na ang ibinabato nila sa 3 points area.

Nabalewala ang pagsisikap nina Jason Tatum at Jaylen Brown para mapalawig pa sana sa Game 7 ang laro bunsod ng nakakasulasok na depensa at malakas na opensa na ipinamalas ng Miami.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon mula noong 2014 nang nakaapak sa NBA Finals ang Miami, na binabanderahan pa noon ng tinaguriang Big 3 nina LeBron, Dwyane Wade, at Chris Bosh.