Pinahiya ng tambalang LeBron James at Anthony Davis ang Miami Heat sa mismong teritoryo nito upang wakasan ang 11 winning streak sa harap ng mga fans.
Ang pagdayo ng Lakers sa Miami ay tinawag niyang “heavyweight fight” lalo na at dati niya itong team.
Kung maaalala taong 2012 at 2013 nang mabigyan ni James ng kampeonato ang Miami.
Dagdag pa rito ang malaking hamon sa faceoff nila muli ni Jimmy Butler.
Si Butler ang huling tumira sa 3-pointer na may segundo na lamang ang nalalabi pero minalas ito dahil tumama lamang sa rim.
Nagreklamo pa ang Miami na na-foul si Butler pero hindi na umubra ang protesta.
Nakahinga naman ng maluwag si Lakers coach Frank Vogel na nagawa nilang maharang ang tira ni Butler.
Samantala, nagtapos sa game si Davis ng 33 points habang muntik nang maka-triple double muli si LeBron na may 28 points, 12 assists at nine rebounds.
Meron ng 23 panalo ang Lakers na itinuturing ngayon na best record sa NBA kasama ang Milwaukee Bucks.
Makasaysayan din ang pamamayagpag ng Lakers dahil ito ang second longest winning streak ng prangkisa.
Sa panig ng Heat na meron ng 18 panalo ngayong season, nanguna si Butler sa opensa na may 23 points, habang tumulong sina Derrick Jones Jr. sa kanyang 17 at si Bam Adebayo ay nag-ambag ng 12 points at 12 rebounds.
Aminado naman ang Filipino American head coach na si Erik Spoelstra na sa huling quarter hindi na sila nakaporma sa Lakers pero sa mga unang bahagi ng laro ay sila naman ang abanse sa diskarte.
Makikita sa rebounds record ang kalamangan din ng Lakers 50-34.
Sunod na makakalaban ng Lakers ang Atlanta sa Linggo.
Ang Heat naman ay haharapin ang Dallas.