Iginawad ng isang korte ang panalo sa kaso ni NBA Hall of Famer Michael Jordan laban sa isang Chinese sportswear company.
Ang naturang kaso ay may kaugnayan sa “emotional damages” at legal expenses bunsod ng trademark issues.
Ayon sa ulat ng Variety, inatasan ng korte ang Chinese sportswear at shoe manufacturer ng sapatos na Qiaodan na magbayad ng $46,000 (RMB300,000) dahil sa paggamit sa pangalan ni Jordan na walang pahintulot.
Sinasabing ang salitang “Qiaodan” na kapag na-translate ang ibig sabihin ay Jordan.
Dahil dito pinagbabayad din ang kompaniya ng $7,600 (RMB50,000) dahil sa legal expenses para sa kabuuang $53,600 na babayaran.
Binigyang diin daw ng korte na ang paggamit ng salitang “Qiaodan” ay maituturing na panloloko sa mga customers.
Inatasan din ang kompaniya na mag-isyu ng public apology.
Napag-alaman din na umaabot sa 200 trademarks cases kontra sa naturang kompaniya ang nakahain kung saan ang iba sa mga ito ay limang taon na ang nakalipas.
Mula noong taong 2012, naghain na si Jordan ng 80 mga lawsuits.